Nasabi ko na ba sa iyo? Lagi akong nakatingin sa kanila. Dahil bago pa sila. Dahil hindi pa nila matiis na mahiwalay sa piling ng isa't isa. Dahil iniisip pa nila yung mga bagay na nakakatawang isipin. "Kumain na kaya siya?" "Sino kaya kasama niya ngayon?kausap?iniisip?" "Ano kaya suot niya?" "Sana nakapag-aral na siya." Na para bang hindi pa sapat sa kanila ang hirap ng mabuhay na iniisip ang sariling pangngangailangan kung kaya't dinadagdagan pa nila ng pamomroblema ng buhay ng isa pang tao. Kung iisipin, may alam na rin ang taong 'yun. Kakain kapag gutom. Marunong pumili ng mga kausap at kasama. Mag-aaral kapag kinakailangan. At mabilis ang pagsagot ng "ikaw" kapag tinanong mo kung sinong iniisip.
Nasabi ko na ba sa iyo? Natatawa ako sa kanila. Lagi silang magkasama. Laging may pinag-uusapan. Bakit kaya di sila nauubusan ng kwento e sila lang rin naman ang nagsama buong araw? Nakakatawa kapag nakikita ko silang nagkakabati pagkatapos ng isang maikling away. Hindi nila alam mas dadalas pa ang mga sagutan at walk-outan. Minsan, gusto ko silang lapitan at sabihan, "Magsasawa rin kayo sa isa't isa! Wahahaha!"
Nasabi ko na ba sa iyo? Minsan naiinis ako sa kanila. Masyado silang masaya. Masyadong tumatawa. Masyadong madalas ngumiti at magbulungan. Nakakaloka sila. Parang ang saya ng mundo para sa kanila. Parang walang mga taong gutom at handa nang magpakamatay dahil sa hirap ng buhay. Parang ang bukas nila ay ang liwa-liwanag at wala na silang aabutan na ano pa mang hirap. Gusto ko silang pag-uuntugin at imulat ang mga mata nila sa katotohanan ng buhay.
Nahahalata mo na ba? Inggit na inggit ako sa kanila.
1 comment:
Post a Comment