Naglalakad kami sa init ng araw noong umagang 'yun. Tumatawa. Masaya. Walang anu-ano'y bigla Niyang sinabi "Ang daming nagbabago." Nakangiti pa rin akong nagtanong, "sa alin?" pero di Niya malalaman na sa loob-loob ko, unti-unti akong nanghina at dahan-dahang humihinto ang puso ko. "Sa lahat," sagot Niya. Sa iyo. 'Yun ang gusto Niyang sabihin. SA AKIN. SA AKIN BA? Sumisigaw ang puso ko samantalang boses ko'y napigil. Walang tinig. Walang tunog. Ngumingiti pa rin ako sa kabila nito. Patawa pang sinabing "Change is good." Paano tayo umabot sa ganito? Ikaw pumili nito. Kasalanan Mo 'to. Good luck nalang sa atin.
Walong taon na Kaming magkaklase. Walong taong magkaibigan. Walong taon ko na rin Siyang hinintay. Hindi naman ako mag-isa sa pagtitiis. marami akong karibal, maraming pagseselosan, at marami ring kasabay sa paghingi ng himala. Hindi naman nakakagulat eh. Walang perpekto na tao sa mundo pero kung meron man, Siya na siguro 'yun. Korni pero totoo. Noong una, sabi kong kaya ko Siyang hintayin habambuhay makita ko lang na may nararamdaman Siya para sa akin. Pero tao lang rin ako, napapagod rin, nagkakamali at nawawalan ng pag-asa. Kung kaya't noong nalaman kong may gusto sa akin ang isa sa mga kaibigan Niya, nadapa ako, nagkamali at naghanap ng pagmamahal sa piling ng iba. Doon ko nalaman na mahirap palang magkunwaring mahal mo ang isang tao. Pero doon ko lang rin nalaman na mas mahirap itago ang tunay na laman ng iyong puso. Pangngalan pa rin Niya ang lagi kong muntikang masabi. Ang mga mata Niyang malalim at malungkot ang hinahanap-hanap ko. Ang mga kamay Niya ang nais kong mahawakan. Tawa Niyang babaeng babae ang gustung gusto kong mapakinggan. Ang halimuyak ng mga rosas tuwing nandiyan Siya ang gusto kong langhapin. Araw-araw. Habangbuhay.
Noong hapong 'yun, naglaro kami ng chess ng barkada ko. Hindi ako makapag-isip ng maayos. Paano ako makakapaglaro ng maayos pagkatapos ng mga binitawan Niyang mga salita kaninang umaga? Kalat ang mga piyesa ko, walang depensa, walang papupuntahan. Tinitignan ko ang kabayo kong itim. Kabayong hindi makapagsabi kung duwag ba siya o hindi. At napansin kong may naputol pala na bahagi sa piyesa kong hari. wala na akong nagawa pa sa laro. Pinanood ko nalang na unti-unting nalagay sa sulok ang hari ko at sa wakas, bumagsak ito at kinain ng kalaban.
Iba na ang naglaban sa chess nang dumating ang syota ko na kaibigan Niya. Umiiyak. Hindi makapagsalita ng maayos. Nang huminahon na siya, ang tanging sinabi ay "Dinala Siya sa ospital. Dinala Siya sa ospital." Binalot ako ng kilabot. Gusto kong tumawa. Gusto kong umiyak. Tinitigan ko lamang ang lupa at dahan dahang sinabi "Hinanap kita kanina. Wala ka." ...hinanap kita para hiwalayan ka, mga salitang sa puso'y itinago. Wala ka, andun Siya, dagdag ng nakapiit ko ng mga labi.
Ngayon, kasama ko pa rin Siya. Pangngalan Niya'y aking bukambibig. Ang mga mata Niyang malalim at malungkot ang laging katitig. Ang tawa Niya, ang halimuyak ng mga rosas, ang tanging naiwan sa akin. Naaalala. Araw-araw. Habangbuhay.
Hindi na Siya kailan pa man magiging akin. At sa kaalamang ito, ang kilabot ay patuloy na bumabalot sa akin. Hinding hindi na ako ulit makakaramdam ng init.
Patawad sa Iyo. Hindi ako nakapaghintay.
3 comments:
Post a Comment